Monday, April 25, 2011

Penitensiya

Photo by Jay Jacome for Flickr

Semana Santa nanaman. Ibig sabihin, wala nanamang pasok. Ang Pilipinas ay isa sa mga mapapalad na bansa na walang pasok tuwing Semana Santa o Holy Week, kahit hindi opisyal na relihiyon ang Katolisismo. Samantalang nagpaplano ng mga outing ang marami, meron namang iba na itinuturing na magandang pagkakataon ang mga araw na ito para mapalapit uli sa Diyos. Bakit? Siguro kasi pag hindi Semana Santa, puro kasalanan ginagawa nila.

Maraming mga tradisyon ang Pilipino sa pag-gunita sa Semana Santa. Nandiyan ang palaspas, ang pabasa ng pasyon, Visita Iglesia, at marami pang iba. Pero pinakatampok sa mga rituwal na ito ay ang pagpuprusisyon ng mga nagpepenitensiya, na habang naglalakad ay sinasaktan ang kanilang mga sarili, at kung minsa'y nagpapapako pa sa krus. Ginagawa nila ito upang magpakita ng pagsisisi sa mga kasalanan nila o para matupad ang kanilang hiling.

Wala nang bago dito dahil taon-taon nang naging tradisyon ito sa mga probinsya. Nagulat nalang ako ngayong taon nang makakita ako ng mga nagpepenitensiya sa Maynila, Huwebes Santo pa lang. Hindi ko alam kung bagong bagay ito o ngayon lang talaga ako nakalabas ng bahay ng Huwebes Santo, pero ayun sila, linalatigo ang mga sarili, naglalakad ng naka-paa, sa gilid ng mga lansangan ng Maynila.

Samantalang nakakatuwa isipin na mayroon tayong mga tradisyon na sariling atin, na hindi natin minana lamang sa mga Kastila o ginaya sa mga Amerikano (kahit base ito sa relihiyon na ipinilit sa atin ng mga Kastila), hindi ako sang-ayon sa pagpapahirap sa sarili para ipakita ang pagsisisi. Una, wala namang iniutos ang simbahan o ang Bibliya na gawin ito, kaya mahirap paniwalaan na may epekto ang rituwal na ito kung ang mismong nagtuturo ng doktrina ay hindi naniniwala dito. Pangalawa, bakit naman kailangan pang sa kalsada gawin ang pagpapahirap sa sarili? Dahil nakakahiya para sa kanila? Oo, dapat talaga mahiya sila, dahil lumalala ang trapik dahil sa kanila. Pangatlo, dapat bang ikaw ang magpataw ng parusa sa sarili mo para sa kasalanan mo sa iba? Parang hindi naman yata tama yun. Kung sa Diyos ka nagkasala, dapat siya ang magpataw ng nararapat na parusa. At hindi ba kung manghihingi ka ng tawad, ang iisipin mo ay kung paano makakabawi sa kasalanan na ginawa mo? Kung may utang ka, babayaran mo. Kung may nasira ka, gagawin o papalitan mo. Kung binastos mo syota mo, gagastos ka ng malaki para sa regalo o bonggang date, at ipapangako na hindi mo na gagawin ito uli. Ano kaya magiging reaksyon nya kung imbes na humingi ka ng tawad ay sugatan mo nalang bigla ang iyong sarili? Iisipin siguro nya emo ka. Baka ipasok ka pa sa mental.

Eh pano naman ang mga nagpepenitensiya? Bukod sa mga sugat na tinamo nila, ano pa ang ginawa nila para mapatawad sila? Baka naman pagkababa nila sa krus, sa beer house ang deretso. O dahil ba nahirapan sila, ibig sabihin kailangan ibigay ang hinihiling nila? Genie ba ang Diyos!? Baka nga Mahal na Araw lang nagsisimba ang mga yan eh.

Well, malay ko ba. Hindi ko naman kilala yang mga yan. Siguro ang gusto ko lang talagang sabihin, kung gusto nyo sugatan ang sarili nyo, wag naman sa kalsada. Trapik na nga eh, isasara nyo pa yung kalahati ng kalsada. O baka naman pag mag-isa lang kayo sa bahay na nagpapakahirap, hindi na pagpepenitensiya ang tawag dun; emo na.

No comments:

Post a Comment